Total Pageviews

Friday, January 20, 2012

pag-itim ng tagak

paroon...

taglamig sa ibang bahagi ng mundo.  panahon ng paglikas ng mga ibon mula sa hilaga, patungong timog. (north to south)  panahon para pasyalan ang candaba, paboritong pahingahan nga mga ibong dumadaan sa Pilipinas upang magpalipas ng taglamig.  kaya naman kasama ng ilang kaibigan, dala ang mga camera at naghahabaang lente, sumugod na kami. ang dami daw pato sa tubigan at tikling sa kalsada.

may kaunting pag-aalinlangan pagkat balitang marami daw tao sa area.  foreign birdwatchers, bird counters, twitchers, photography workshoppers, at birdnuts na gaya namin.  pero sulong, gising ng maaga, pagsikat nga araw, dapat nasa candaba.

at di nga nabigo... ang daming tao, ang daming pato. may ilang mga tikling saka bato-bato.  may kaingayan, may kalayuan, pero okay din, may ilang ibong mailap man at di makunan, masaya na rin dahil sa tanan kong buhay,  ngayon lang namasdan. lifers ang tawag, nai-check din sa listahan.

nang tumanghali, na walang nakukunan, kawan ng tagak, aming pinagtripan...  ang kapal ng kawan, liparan ng liparan, dikit-dikit, halos walang pagitan, pawang nakaabang, sa kanilang paanan.  anumang gumalaw, pinagdududahan...

kawawang isda, magiging almusal.

 

parito...

sa kaguluhan, may isang napitikan, tagak na kay puti la-landing sa putikan.  dahan-dahan lamang, baka madungisan, balahibong kay puti, ay dapat ingatan.

napag-isip-isip, sa tunay na buhay, ang ayaw lumublob sa gitna ng putikan, malinis nga ang kamay, gutom naman ang hinaharap, maari ring kamatayan. umitim man ang tagak, papalayo ang pangarap...

2 comments:

  1. good one. not a lot can write in fluent Filipino. looking forward to more blog posts!

    ReplyDelete
  2. thanks... di kasi marunong sumulat ng inggles, kaya pilipino ang ginamit.

    ReplyDelete