Total Pageviews

Monday, January 30, 2012

tumula, tumulay...

paroon...

ang dami ng awit, dula, larawan at birong nasulat tungkol sa tulay.  may ingles, tagalog, pranses, aleman, intsik, hapon... lahat may sariling kwento ng tulay. nandyan ang bridge over troubled waters, bridges of madison county, bridge of the river kwai, london bridge, itlog at ebun, at ang paborito nung kabataan, may pulis, may pulis sa ilalim ng tulay... napakanta pa ko ng konti dun ah!

ngayon ko lang napag-isip-isip, ang amin palang baryo ay isang pulo... dinurugtong lamang sa bayan ng malolos at paombong sa pamamagitan ng mga tulay.  makikitid at maiigsing tulay... gayun pa man mahahalagang tulay.  isa sa pagitan ng kabayanan at san tiago, isa sa pagitan ng canalate at anilao, isa sa pagitan ng kantarilla at kaingin at marahil ilan pa sa banda ng kanto boy , sto cristo, atlag at san juan.


kaya nga marahil ang tulay ng aming baryo, ang isa sa mga unang tulay na ginawa ng mga kastila nun sila ay dumating may 430 taon na ang nakakaraan.  tulay na maghahatid sa kanila mula manila bay, patawid ng hagonoy, patawid ng paombong, papasok sa bayan ng malolos.  ayun sa mga nakatatanda, dito rin sa tulay na ito pumasok ang mga amerkano nung liberasyon.  nagkaroon ng konting labanan at ang aking ina na sanggol pa noon ay nahagip ng ligaw na bala sa leeg.  tanging nagligtas ay ang tulong ng mga kapitbahay na nagpasa-pasa sa munting sanggol  mula sa aming bahay hanggang makarating sa ospital sa bayan... at siguradong sa tulay ng san tiago, sya ay nadaan.  itinawid sa tulay, nasagip ang buhay. 


parito...

kung aking iisipin, ano nga kaya ang ating lagay, kung hindi naimbento't nalikha ang tulay.  sapat ba ang tula kung wala ang letrang "Y"?  o walang mabubuong tula kung wala ang tulay?  kaya nga mula ngayon, anumang kitid o ikli  ng tulay, lubos ang pasasalamat, tulay kayo ng buhay!!!

No comments:

Post a Comment