Total Pageviews

Wednesday, February 1, 2012

ulan-pana, royal loincloth

paroon...

muling umuwi sa malolos noong linggo.  dalawang mahalagang okasyon.  ika-75 na kaarawan ng aming papa at pista ng sto. nino sa malolos.  matagal tagal na ring di nauwi sa birthday ng papa... panay text at call lang nun ilang taong nagdaan.  sapat na magkausap at mabati ng maligayang kaarawan... may isang taon pa ngang kahit pagbati, aking nakaligtaan. ngayong ika-75, may papananghalian.  asawa, anak, apo, at ilang kaibigan mula sa mataas na paaralan. 

mas matagal nang di nauwi sa pista ng sto. nino.  di lang yata 20 taon na ang nakaraan, huling prusisyon, di na matandaan.  sa casa real ba o sa katedral inipon mga poon upang mapagmasdan.  bata pa kami noon nasa ika 5 o ika 6 na baitang sa mababang paaralan.

habang nagaantay sa bahay ng kaibigan, bumuhos na bigla, malakas na ulan.  ayaw tumigil, at sa sobrang tagal, ilang album sa ipod, amin nang napakinggan. mga munting bata biglang naglabasan, lumalaking tubig sa gitna ng daan, biglang nagsilbing swimming pool na paliguan.  ang sayang pagmasdan, ng tampisawan, sa kalsadang pagitan ng sementeryo at eskwelahan.  sabi nga ng pamangkin kong, kala mo paham, kaya pala ito tinawag na Baryo Tubigan.

at ilang sandali pa tumila ang ulan, bumaba sa auto, at nag hintay ng tricycle sa daan. rainbow, sigaw ng bayaw, mga bata nagkatuwaan, tuloy na ang prusisyon, wala na ang ulan.  sa galak sa nakita, bahagharing kay ganda... sabay pose sa kalsada, syempre piktyuran na!!!

parito...

kaarawan, birthday, rainbow, bahaghari... nakakatuwa isipin ang mga salita.  tagalog at ingles, iba't ibang tawag sa iisang bagay.  kaarawan sa diretsong salin at anniversary, birthday sa diretsong salin ay araw ng pagsilang.  rainbow - ulan pana, bahaghari - royal loincloth.  katawagang mula sa karanasan ng iba't ibang lahi sa iba't ibang bayan.  birthday ay ang araw ng pagsilang.  ang kaarawan ay pag gunita sa araw ng pagsilang.  kaya anniversary (na galing naman sa salitang Latin na Annus- isang taon). Rainbow, na marahil galing sa hugis pana, na mamamasdan lamang twing pagkatapos ng ulan.  Bahaghari na marahil, hango sa suot ng hari, natatanging bahag magara at makulay.  Pero ako ay nang huhula lamang...

sa katapusan, ang sigurado lamang, ang baha sa lansangan pagkatapos ng ulan ang nagbigay ngalan sa Baryo Tubigan!!!  

1 comment:

  1. Quite poetic! I won't think of rainbows quite the same way again :)

    ReplyDelete