Total Pageviews

Monday, February 20, 2012

padyak padyak lang

paroon

ilang beses nang nakatanggap ng paanyayang mag-bisikleta kasama ng mga ka-batch sa kolehiyo.  la mesa dam, timberland, night ride at kung saan-saan pa.  excited na makasama.  bukod sa hilig ko talagang mamisikleta, masayang kasama ang ang mga dating ka-eskwela.  makukulit, mabiro, malalakas (kumain ng turon) at syempre, mababait, hehehe... 

kahapon, sa wakas, nakasama din.  nakipag-tratong magsisimla sa Tina's, aakyat sa "the wall", makikipagtagpo sa ibang mga ka-klase sa itaas ng Timberland.  sa parking lot ng clubhouse magsisimula papasok sa trail, papunta sa Pestano o sa Giant, via Roxas.  kasamaang palad, di ma-kontak ang kasamang aakyat mula sa Tina's, kaya sa Gate na ng Timberland nagpasyang pumarada.  pumadyak papunta sa clubhouse parking lot sa taas ng subdivision.  pagdating dun, wala pang mga kasama.  bumaba muli, baka sakaling masalubong ang iba.  baka makita si Bernie, ang ka-klaseng kausap na magsisimula sa Tina's, at makasabay sa muling pag-ahon sa clubhouse.

sa gate ng Timberland, si Bomboy, isa pang ka-klase, ang nakita.  di raw napansin kung umaahon si Bernie sa "The Wall" kaya nagpasyang pumadyak na ulit paakyat sa clubhouse.  nagbilin kay Bomboy na hintayin ang aking pagdating sa taas.

nakarating na humihingal sa taas at nandun na nga ang iba pang mga ka-eskwela. si Perry, si Norman, si Cyril, si Dindo at si Bomboy.  maya-maya pa, dumating si Manny.  kwentuhan, alaskahan sa pagpapaalam, palusot sa pag-upgrade ng pyesa, at kung anu-ano pa.  mula sa kasamang may karanasan sa pagpapaalam at paghingi ng kapatawaran, isa ang nagsabi... "It is easier to ask for forgiveness than to ask for permission!"  kaya nga sa anumang nais gawin, gawin na agad... saka na malalaman kung mapapalo ni misis.  at least, tapos na... humingi na lang ng kapatawaran.  sabi naman sa inyo, mababait lahat ang mga boys na to.  humihingi ng tawad!!!

lalakad na... pero sandali, wala pa si Bernie... walang maka-contact.  di sumasagot sa tawag, di nakakatanggap ng text?, umaahon sa "The Wall" kaya di sumasagot?... walang may alam.  sabi nga ni Manny... di mang-iindyan si Bernie. tatawag yun kung di makakarating.  at tama nga...  biglang-bigla! dumating si Bernie! kaya ayun, "rak en roll na!"

nagkahiwalay ang grupo.  nakalayo agad sila Norman, Manny, Perry, Cyril at Dindo.  sumunod si Bomboy.  si Bernie, naiwan pa sandali, nagaayos ng video camera.  kailangan ma-document ang ride na to.  binalikan ko.  at ng maayos na, humabol kami.  padyak-padyak... di maabutan, akyat kami ng Roxas dahil yun ang unang usapan.  kaya pala di maabutan, nagsidiretso sila sa basic trail.  nagkitakita na lang ulit nang mag-antayan sa gate ng "Araneta".  isa lang ang kulang.  si Bomboy... bumalik.  nainip sa amin ni Bernie.  padyak na kami.  nagkasundong kaya naman sumunod ni Bomboy mag-isa sa Giant, ang tindahang aming kakainan.

madali namang nakarating sa Giant ang mga boys, sinabayan namin si Cyril na pangatlong linggo pa lang mula ng mag-umpisang mag bike.  maya-maya pa nakita nang padating si Bomboy.  nakayuko, humahataw, nagpapakita ng kakaibang bangis sa pagpadyak.  gutom na siguro...

kaya lang, di pa kumain ang grupo, nagpasyang dumiretso sa AFP at doon na magpahinga.  kaya sige, padyak na naman... tuloy tuloy hanggang marating ang kubo na may tindang gatorade at turon.  ang daming naubos na gatorade. mas maraming naubos na turon.  ilang sandali pa, pababa na kami mula AFP.  matarik ang lusong. madulas ang bato-batong daan.  maaring sumemplang.  ingat ingat, dahan dahan... makakarating din, sa Tina's ulit ang hintuan.  magaan na ang aming pakiramdam. 

parito...

sandali pa kaming naupo at nagkwentuhan.  pinagusapan ang padyakang nagdaan.  may pagod sa pagsikad, may pagod sa pagtawa, may gutom, may bitin, may laspag... lahat masaya!  noon din nasabi ni Bomboy na naman, ang magkakaibigan, matagal man di magkita, laging maaalala, masasayang araw duon sa eskwela, hindi malilimutan, para ring pamimisikleta!!!

Wednesday, February 15, 2012

kahit na ilang bundok...

paroon...

ano nga bang meron sa baguio?  na-e-excite ako sa tuwing pupunta ako sa baguio.  ang mahabang byahe, ang kennon road, ang mga talon, ang pine trees, ang klima, ang john hay, ang country club, ang burnham, ang star cafe, ang mine's view, ang mais, ang bundok, ang session, ang PMA... ang dami pala.  kaya pala lagi akong excited.  ang sarap talaga sa baguio.

napunta ulit ako sa baguio nung nakaraang linggo.  at gaya ng dati, excited talaga ako.  na-traffic kami at naligaw sa loob ng Baguio City.  halos isang oras ding umikot sa loob.  di makita ang kalye papuntang trinidad, kalyeng maghahatid sa min sa totoong destinasyon, sa Mt. Data, Bauko, Mt. Province.  sa pag-iikot, nadaan sa Kisad, nakita ang mga paboritong restaurant dun.  naliko sa Harrison, nabalik sa Session, nadaanan ang Burnham at naalala ang mga turo-turong nagtitinda ng papaitan.  maya-maya pa, nakita ang rose bowl... ang Star Cafe kaya, kamusta na ngayon?

hay... ang daming ala-ala sa Baguio.  partida pa... napadaan lamang kami ngayon.  pano pa kaya kung ang totoong sadya ay ang magbakasyon.

parito...

plano naming di na bumalik sa baguio pauwi sa maynila. iikot sana kami ng sagada at ifugao. bababa ng vizcaya, nueva ecija, pabalik ng maynila.  pero kapalaran, di masyadong nakisama, kaya kina-lingguhan, sa baguio rin napunta.  traffic na naman, papasok ng syudad, napasabay sa jeep at public utility van na di mabilang.  binaybay ang session at sa kadulu-duluhan, nakita ang SM na maraming paradahan.

pumasok sa basement at nananghalian, pagkatapos naglakad, naghanap ng walis, strawberry at ube jam.  tawad dito tawad dun, kahit di naman alam, kung magkano talaga ang hawak na kalakal.  di baleng mahal basta masabi lang na may maiuuwi sa mga kasambahay.

at ng matapos ang lahat, bumalik sa SM, isinakay ang gamit at umuwi nang tuluyan.  malayo man ang Baguio, masikip man ang daan, siguradong siguradong, babalik-balikan!!!

Wednesday, February 8, 2012

kwentong barbero

paroon...
isang bagay na iniiwasan ko mula pagkabata ay ang barbero. higit pa sa doktor o dentista, ayokong pumunta sa barbero.  siksikan sa barberya sa probinsya. makati ang bagong putol na buhok, mahapdi yun kulay berdeng alkohol na pinapahid sa batok. kaya nga nung ako ay bata, ang barbero ang pumupunta sa bahay. "Turing" ang ngalan ng aming barbero,  at sa loob ng isang buong umaga, sunod sunod ang gupit namin.  ako, ang aking koyang at ang aming papa.  gayun pa man, hindi talaga kaaya-aya sa akin ang barbero at barberya.

sa paglipas ng panahon, si Turing di na pumupunta. nagkasakit, nangibang bayan, o yumao, di ko na nalaman.  kami ay napilitang magpagupit sa barberya sa bayan.  "Hollywood Barbershop" ang pinakasikat. si Gonzalo naman ang aming barbero.  mula sa gupit bao, may patilya na ang naging gupit ko.  ang kati ng buhok, dinadaan sa pulbo.  pagkatapos ng gupit, para na akong espasol dun sa kanto.
pag dating ng highschool nagpalit na naman, pagkat ako'y napilitang mangibang bayan.  duon sa seminaryo, may sariling barbero, di makapaniwalang ang manggugupit ay kaklase ko.  una ay si paul yam ang assigned na barbero, naging si Jojo, na isang Batangueno.  dahil bawal ang long hair sa eskwelahan ko, may schedule ang gupit pag araw ng sabado.  nakalista ang pangalan, sa ayaw ko't sa gusto.

1985, nung ako'y "lumaya", at sa maynila na nga nagkolehiyo, CMT naman ang naging kalaban ko.  gupit pa rin ang buhok, malinis ang tabas, mula tenga hanggang batok. barberyang malapit sa bahay ang suki. dati ay "Good Times" hanggang naging "Dino's".  Si Manong Jun at si Randy ang suki ko dito.  unang naranasang makapagpakalbo, barberya sa kanto ng Panay Avenue, duon sa tabi ng Panay Goto, na pag-aari nila Nonie Busuego, na isa namang kamag-aral dun sa Ateneo.

ako'y nagpagupit noong nakaraang Sabado.  kumpil kasi ng bunso ko, kaya kailangan ko daw magpa-gwapo.  at di inaasahang nikita ko ito, ilang bakanteng silya, dalawang barbero, maluwag yata ngayon ang barberya sa kanto.  last day muna namin ang sabi ng isa.  bukas ay sarado... bakit? ang tanong ko.  mukhang okay naman dito.  naka dalawampu't pitong taon na rin naman yata kayo.  pansamantagal lang ang sabi sa akin. titigil muna ang mga gunting.  ginagawa kasi ang nasabing building, kaya closed muna ang barbershop natin.  pag nakumpleto ang commercial building, sa 2nd floor na daw magiging pwesto namin.  sabi ko okay lang basta dun pa rin, taas man o baba, walang kaso sa akin.

parito...

pagkatapos ng gupit, nung pauwi na sa amin, maginhawa ang ulo, pero nag-iisip pa rin.  at di batid ang pakiramdam na bumalot sa akin.  parang mamimiss ang barberyang naging akin, sa dalawampu't pitong taon, na hindi ko napansin.  sa dami ng buhok kong duon ay naputol, parang nalungkot na bukas barberya ay wala na do'n.  ang inaayawan sa mula't sapol, ngayon, hinahanap... paano na ngayon!?

Wednesday, February 1, 2012

ulan-pana, royal loincloth

paroon...

muling umuwi sa malolos noong linggo.  dalawang mahalagang okasyon.  ika-75 na kaarawan ng aming papa at pista ng sto. nino sa malolos.  matagal tagal na ring di nauwi sa birthday ng papa... panay text at call lang nun ilang taong nagdaan.  sapat na magkausap at mabati ng maligayang kaarawan... may isang taon pa ngang kahit pagbati, aking nakaligtaan. ngayong ika-75, may papananghalian.  asawa, anak, apo, at ilang kaibigan mula sa mataas na paaralan. 

mas matagal nang di nauwi sa pista ng sto. nino.  di lang yata 20 taon na ang nakaraan, huling prusisyon, di na matandaan.  sa casa real ba o sa katedral inipon mga poon upang mapagmasdan.  bata pa kami noon nasa ika 5 o ika 6 na baitang sa mababang paaralan.

habang nagaantay sa bahay ng kaibigan, bumuhos na bigla, malakas na ulan.  ayaw tumigil, at sa sobrang tagal, ilang album sa ipod, amin nang napakinggan. mga munting bata biglang naglabasan, lumalaking tubig sa gitna ng daan, biglang nagsilbing swimming pool na paliguan.  ang sayang pagmasdan, ng tampisawan, sa kalsadang pagitan ng sementeryo at eskwelahan.  sabi nga ng pamangkin kong, kala mo paham, kaya pala ito tinawag na Baryo Tubigan.

at ilang sandali pa tumila ang ulan, bumaba sa auto, at nag hintay ng tricycle sa daan. rainbow, sigaw ng bayaw, mga bata nagkatuwaan, tuloy na ang prusisyon, wala na ang ulan.  sa galak sa nakita, bahagharing kay ganda... sabay pose sa kalsada, syempre piktyuran na!!!

parito...

kaarawan, birthday, rainbow, bahaghari... nakakatuwa isipin ang mga salita.  tagalog at ingles, iba't ibang tawag sa iisang bagay.  kaarawan sa diretsong salin at anniversary, birthday sa diretsong salin ay araw ng pagsilang.  rainbow - ulan pana, bahaghari - royal loincloth.  katawagang mula sa karanasan ng iba't ibang lahi sa iba't ibang bayan.  birthday ay ang araw ng pagsilang.  ang kaarawan ay pag gunita sa araw ng pagsilang.  kaya anniversary (na galing naman sa salitang Latin na Annus- isang taon). Rainbow, na marahil galing sa hugis pana, na mamamasdan lamang twing pagkatapos ng ulan.  Bahaghari na marahil, hango sa suot ng hari, natatanging bahag magara at makulay.  Pero ako ay nang huhula lamang...

sa katapusan, ang sigurado lamang, ang baha sa lansangan pagkatapos ng ulan ang nagbigay ngalan sa Baryo Tubigan!!!