Total Pageviews

Wednesday, February 8, 2012

kwentong barbero

paroon...
isang bagay na iniiwasan ko mula pagkabata ay ang barbero. higit pa sa doktor o dentista, ayokong pumunta sa barbero.  siksikan sa barberya sa probinsya. makati ang bagong putol na buhok, mahapdi yun kulay berdeng alkohol na pinapahid sa batok. kaya nga nung ako ay bata, ang barbero ang pumupunta sa bahay. "Turing" ang ngalan ng aming barbero,  at sa loob ng isang buong umaga, sunod sunod ang gupit namin.  ako, ang aking koyang at ang aming papa.  gayun pa man, hindi talaga kaaya-aya sa akin ang barbero at barberya.

sa paglipas ng panahon, si Turing di na pumupunta. nagkasakit, nangibang bayan, o yumao, di ko na nalaman.  kami ay napilitang magpagupit sa barberya sa bayan.  "Hollywood Barbershop" ang pinakasikat. si Gonzalo naman ang aming barbero.  mula sa gupit bao, may patilya na ang naging gupit ko.  ang kati ng buhok, dinadaan sa pulbo.  pagkatapos ng gupit, para na akong espasol dun sa kanto.
pag dating ng highschool nagpalit na naman, pagkat ako'y napilitang mangibang bayan.  duon sa seminaryo, may sariling barbero, di makapaniwalang ang manggugupit ay kaklase ko.  una ay si paul yam ang assigned na barbero, naging si Jojo, na isang Batangueno.  dahil bawal ang long hair sa eskwelahan ko, may schedule ang gupit pag araw ng sabado.  nakalista ang pangalan, sa ayaw ko't sa gusto.

1985, nung ako'y "lumaya", at sa maynila na nga nagkolehiyo, CMT naman ang naging kalaban ko.  gupit pa rin ang buhok, malinis ang tabas, mula tenga hanggang batok. barberyang malapit sa bahay ang suki. dati ay "Good Times" hanggang naging "Dino's".  Si Manong Jun at si Randy ang suki ko dito.  unang naranasang makapagpakalbo, barberya sa kanto ng Panay Avenue, duon sa tabi ng Panay Goto, na pag-aari nila Nonie Busuego, na isa namang kamag-aral dun sa Ateneo.

ako'y nagpagupit noong nakaraang Sabado.  kumpil kasi ng bunso ko, kaya kailangan ko daw magpa-gwapo.  at di inaasahang nikita ko ito, ilang bakanteng silya, dalawang barbero, maluwag yata ngayon ang barberya sa kanto.  last day muna namin ang sabi ng isa.  bukas ay sarado... bakit? ang tanong ko.  mukhang okay naman dito.  naka dalawampu't pitong taon na rin naman yata kayo.  pansamantagal lang ang sabi sa akin. titigil muna ang mga gunting.  ginagawa kasi ang nasabing building, kaya closed muna ang barbershop natin.  pag nakumpleto ang commercial building, sa 2nd floor na daw magiging pwesto namin.  sabi ko okay lang basta dun pa rin, taas man o baba, walang kaso sa akin.

parito...

pagkatapos ng gupit, nung pauwi na sa amin, maginhawa ang ulo, pero nag-iisip pa rin.  at di batid ang pakiramdam na bumalot sa akin.  parang mamimiss ang barberyang naging akin, sa dalawampu't pitong taon, na hindi ko napansin.  sa dami ng buhok kong duon ay naputol, parang nalungkot na bukas barberya ay wala na do'n.  ang inaayawan sa mula't sapol, ngayon, hinahanap... paano na ngayon!?

2 comments:

  1. I hope that the barber shop would really go back to business once the construction of the building is done. :) I did not realize men can also get attached to their barbers. I thought it would just be women who'd follow their hair dressers wherever they end up being employed! nakakalungkot nga yung idea. there was a time it happened naman dun sa spa na madalas kong puntahan. nagsara na yung favorite branch ko. i I just had to get the contact numbers of some of the personnel so I can look for them in their newly assigned branches.

    ReplyDelete
  2. i do know some men too, who keep the numbers of their MPAs. massage parlor attendants, hahaha...

    seriously, i don't know where my next haircut would be. and it's making me anxious. i need a place near enough so i can wash off the hair immediately after the session.

    cheers!

    ReplyDelete